Ang Barangay Bonga Mayor ay isa sa mga naunang barangay na napasailalim ng bagong bayan ng Bustos, mula sa bayan ng Baliwag. Noong unang mga panahon, "ang barangay na ito kasama ng Barangay Bonga Menor at Tibagan ay tinaguriang Bunga dahilan sa pagiging bantog ng isang punong kahoy na tumutubo ng mataas walang sanga na kung mamunga ay buwig-buwig." Ang Barangay ng Bonga Mayor ay matatagpuan limang kilometro sa dakong Silangan ng Pamahalaang Bayan ng Bustos. Ito ay humahanggan sa Silangan sa Barangay Tibagan; sa Timog sa Catacte; sa Kanluran sa Bonga Menor; at Hilaga sa Bayan ng San Rafael sa kabila ng Ilog Angat. Ang kabuuang lawak nito ay 382.55 na ektarya na ang gawing bukirin ay binubuo ng mga gulod, na bagamat may kataasan ay napapadaluyan din ng patubig buhat sa Tibagan Water Pump ng NIA. Ito ay mayroong 1,747 metrong haba ng mga Daang Barangay. Mula sa: Bustos (1867- 1998), Aloma Monte Delos Reyes